Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Kahirapang damang-dama

Kakambal na ng bawat batang Pilipinong naipapanganak ang utang ng bansa, at kaakibat ng kanilang paglaki ang lumulobong presyo ng mga bilihin. Kasabay ng mga bayarin sa ospital ay ang limpak-limpak na korapsyong ibinubulsa ng pamahalaan, na tila ba ang pagiging Pilipino ay nauwi na lamang sa isang buhay na umiinog sa walang hanggang “kahit na papaano, may awa rin ang Maykapal.”

DT · Oct 18, 2026, 3:06 AM

Kung noo’y ang P1,000 ay isang biyayang tunay, ngayo’y tila baryang dudulas na lamang sa iyong mga palad—halagang madalang na mapagkakasya sa isang linggong badyet ng pamilya sa Kalakhang Maynila.

Sa pinakabagong talang inilabas ng Social Weather Stations (SWS) nitong Setyembre, sinasabing tumaas nang anim na puntos—mula 49 hanggang 55 percent--ang bilang ng mga pamilyang nagsasabing sila ay mahirap. Ito'y katumbas ng halos 18.8 milyong pamilya kung susumain. Samantala, walong puntos naman ang itinaas—mula 36 hanggang 44 percent—o nasa 13.3 milyong pamilya ang bilang ng mga nagsasabing sila ay may kakulangan sa pagkain.

Dagdag pa rito, 22.2 percent din ng mga Pilipino ang nagsasabing sila'y nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan, mas mataas kaysa sa 20.3 percent noong Hunyo. Ang mga datos na iyan ay kasabay ng 7.2 percent na antas ng implasyon nitong nakaraang buwan.

Paliwanag ng SWS, ang pangunahing dahilan ng pagtaas na ito ay ang paggalaw sa bilang ng mga pamilyang nasa borderline, o iyong mga nasa kalagitnaan ng pagiging mahirap at hindi mahirap. Marami kasi sa kanila ang tuluyan nang nahulog sa kasalatan.

Ayon din sa survey, P15,000 ang kinakailangang buwanang badyet ng pamilya para makaahon, habang P8,000 naman para sa badyet sa pagkain.

Ang dagok na ito’y isang seryosong banta sa seguridad ng marami, lalo na sa nagbabadyang hagupit ng Super El Niño sa pagkain, tubig, at maging sa buhay ng libo-libong Pilipino sa bansa, lalo pa’t lumiit ang alokasyon ng sektor ng kalusugan sa ipinasang 2027 National Budget ng Kamara.

Kinakailangan ng sambayanan ang mas matibay na plano sa gitna ng krisis dahil ang kahirapa’y hindi na maitatago pa. Nagtataasan na ang mga pamasahe at bilihin, at luging-lugi ang buwanang kita ng mag-anak na nagpapaaral ng mga anak.

Kung tutuusin, mas umuapaw pa ang bahang naranasan ng ilang kabahayan kaysa sa salaping kinikita nila.

Hindi na sumasapat ang kasipagan at pagkukumahog ng ilang manggagawa kahit pa sa ilang overtime pay, kabilang na rito ang mga working student na sa halip na nagpapalinang lamang ng sariling kaisipan sa eskwela ay nagpapakapagal din sa mga kompanyang nagpapasahod nang hindi sapat upang isalba sila sakaling bumigay ang kanilang katawan.

Palaging ipinagmamalaki ng maraming politiko ang kanilang simpatya sa mga nasa laylayan dahil galing umano sila sa hirap, ngunit ang tunay na malasakit ay ipinadadama, hindi isinasarili lamang.

Para sa bansang may angking likas na yaman, hindi makatarungan ang kahirapang ito na bumibigkis sa maraming henerasyon.

Kakambal na ng bawat batang Pilipinong naipapanganak ang utang ng bansa, at kaakibat ng kanilang paglaki ang lumulobong presyo ng mga bilihin. Kasabay ng mga bayarin sa ospital ay ang limpak-limpak na korapsyong ibinubulsa ng pamahalaan, na tila ba ang pagiging Pilipino ay nauwi na lamang sa isang buhay na umiinog sa walang hanggang “kahit na papaano, may awa rin ang Maykapal.”