Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Parang di naman SMART?

Pagtanggal ng akses sa socmed, pinakamabisang paraan nga ba kontra karahasan?

DT · Oct 11, 2026, 1:13 AM

Nitong Oktubre 8, ipinasa sa Senado ang Senate Bill 2424 o ang "Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act" na naglalayon ng social media ban para sa mga menor de edad.

Nakamit nito ang botong 16-1, kung saan tanging si Senador Risa Hontiveros lamang ang tutol.

Posible pa bang maalis sa sistema ng mga Pinoy ang social media? Maraming tanong, agam-agam, takot, at pagkadismaya.

Tunay naman talagang nakababahala ang nangyaring malagim na karahasan sa ilang mga eskwelahan sa bansa nitong mga nakaraang buwan, kung saan kahit 14-anyos ay walang habas na namaril ng kaeskwela.

Marami ring eksperto ang nagsasabi na malaki ang ambag ng media content sa paghubog ng kaisipan ng mga kabataan, na nakapag-uudyok ding gumawa ng hindi magandang gawi.

Kaya nga mayroong mga regulatory bodies sa ilang media platforms gaya ng MTRCB sa telebisyon at pelikula, ngunit wala namang ganoon sa digital media.

Dito'y mas malaya nang nakapaglalayag ang mga batang Pinoy at nakapapasok sa mga website na hindi angkop sa kanilang edad.

Subalit aminin natin, sa kabila ng banta ng digital media ay marami rin itong benepisyo. Giit ni Hontiveros, hindi ang direktang pagbabawal ang solusyon, kundi ang mas mahigpit na kontrol sa algorithm at mas malakas na pananagutan sa mga platform.

Ayon sa Section 4 ng bill: "Walang batang wala pang labing-anim (16) na taong gulang ang maaaring magrehistro, pumasok, gumamit, magpanatili, magpatakbo, o lumikha ng account sa anumang age-restricted na social media platform."

Pagdidiin ni Hontiveros sa Senado, ang pagbabawal na ito rin kasi ang magkakait sa kabataan ng access sa mga digital opportunities na nakatutulong sa dagdag-pinansyal, tulad ng online selling, content creation, o pagiging virtual assistant.

Kung tutuusin, malinaw din sa Section 2 Declaration of Policy na sinabing: “Patakaran ng Estado na itaguyod at protektahan ang pisikal, mental, panlipunan, at emosyonal na kapakanan ng mga bata. Sa pagkilala sa mabilis na paglago at impluwensya ng mga social media platform, pinagtitibay ng Estado ang tungkulin nitong pangalagaan ang mga bata mula sa mga panganib sa online at nakapipinsalang nilalaman."

Hindi lahat ng pagbabawal ay proteksyon, lalo’t kung nilalayo nito ang mga kabataan sa pinakamabilis tulong na maaari nilang kapitan.

Kung usapang mental health, maraming kabataan ang nakahahanap ng ligtas na espasyo sa internet. Dito’y malaya silang nakapagpapahayag ng saloobin kahit sa simpleng pag-share lamang ng post.

Dito sila nakahahanap ng komunidad na tumutulong dinggin ang kanilang mga hinaing, lalo’t kung wala namang sapat na gabay silang nakukuha mula sa magulang o guardian.

Social media rin ang pinakamabilis at murang tulay ng komunikasyon, lalo na sa pagitan ng mga OFW at ng kanilang mga anak.

Maging sa oras ng emergency, mas madaling humanap ng kontak sa Facebook kung hindi alam ang numero ng pamilya.

Tandaan, sa loob ng pamilya, hindi lahat ay may kakayanang mag-monitor sa gawi ng mga bata, lalo’t kung ang mismong mga magulang pa nga ang madaling mabudol ng fake news at scam.

Kung kaligtasan man lang ng kabataan ang paiiralin, bakit hindi pagtuunan ng pansin ang mas masinsinang psychological counseling sa mga estudyante at pagpapalakas ng seguridad sa loob ng paaralan, sa halip na ang direktang pagbawal ng social media? Dahil hindi naman mangyayari ang mga krimen kung sa tarangkahan pa lamang ay mahigpit nang nakukumpiska ang mga mapanganib na kagamitan mula sa mga estudyante.

Dagdag pa, kulang din sa surveillance cameras ang mga paaralan para mamonitor ang mga insidente tulad ng bullying.

Kung tutuusin, mas mahigpit pa ang polisiya sa hindi pagsusuot ng tamang uniporme, at polisiya sa kulay at gupit ng buhok, kaysa sa pagsiyasat ng mga kontrabandong nakapapasok sa eskwelahan.

Madaling isisi sa internet ang mga karahasan at iasa sa mga magulang ang responsibilidad, kaysa sa akuin ng gobyerno ang pananagutan at aminin na malinaw na hindi mabisa ang umiiral na seguridad ng kanilang pampublikong paaralan.