DYARYO TIRADA
Transport groups kinuwestiyon pagbabalik ng NCAP
Kinuwestiyon ng tatlong grupo ng transportasyon ang muling pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa ilang lungsod sa Metro Manila habang nakabinbin pa sa Korte Suprema ang kanilang motion for reconsideration.
Ayon kina Boy Vargas ng ALTODAP, Obet Martin ng Pasang Masda at Liberty De Luna ng ACTO, dapat hintayin muna ng mga lokal na pamahalaan ang pinal na pasya ng Korte Suprema bago ibalik ang NCAP.
Kabilang ang kanilang mga grupo sa kumuwestiyon sa polisiya noong 2022 dahil umano sa kawalan ng sapat na legal na batayan at mga probisyong maaaring lumabag sa due process.
Ibinasura ng Korte Suprema ang kanilang mga petisyon, ngunit naghain ang mga grupo ng motion for reconsideration noong Agosto 5.
“Hindi po ako abogado subalit ang pagkakaintindi ko ng batas ay hindi muna ipinapatupad ito dahil mayroon pang apela ang aming grupo tungkol sa usaping ito,” ani Vargas.
Sinabi naman ni Martin na wala umanong nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na final and executory na ang pagbasura sa kanilang petisyon.
Sa press briefer ng Korte Suprema, nilinaw na ang pagbasura sa mga petisyon ay hindi nangangahulugang idineklarang balido ang mga kinukuwestiyong NCAP issuances.
Nagsimulang ipatupad muli ng Manila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa at San Juan ang NCAP noong Oktubre 5. Gumagamit ang sistema ng mga camera at iba pang teknolohiya upang maitala ang traffic violations nang hindi pinahihinto ang motorista.
Umapela naman si De Luna sa mga lokal na pamahalaan na hintayin muna ang pinal na desisyon ng Korte Suprema.
“Pero dahil wala pa naman desisyon na ganito, nakikiusap po ang aming hanay ng respeto sa proseso, at respeto din po sa hanay ng pampublikong transportasyon,” ani De Luna.