Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Legarda, giit ang mas matibay na proteksyon para sa land and environmental defenders

DT · Oct 6, 2026, 10:57 PM

Senator Loren Legarda. — Photograph by Aram Lascano for Daily Tribune

Hinimok ni Senador Loren Legarda ang pamahalaan na tiyakin ang seguridad ng mga land at environmental defenders sa bansa matapos i-report ng Global Witness na may 12 sa kanila ang pinatay sa Pilipinas noong 2025.

Ang bilang na ito ang pinakamataas na naitala sa labas ng Latin America sa nakalipas na taon. Ayon sa senador, hindi lamang mga aktibista ang naituturing na tagapagtanggol ng kalikasan, kundi pati na rin ang mga karaniwang magsasaka, mga katutubong pinoprotektahan ang kanilang ancestral domain, at mga mamamayang naghahayag ng pangamba sa mga proyektong posibleng makasira sa kanilang tubig, gubat, at kabuhayan. Binigyang-diin niya na walang sinuman ang dapat mailagay sa panganib dahil lamang sa pagtatanggol sa kanilang komunidad.

Batay sa ulat ng Global Witness na inilabas noong Setyembre 16, 2026 na pinamagatang "Collective Power: The Struggle for Protection for Land and Environmental Defenders," pumalo sa 124 na defenders ang napatay sa buong mundo noong 2025, habang umabot na sa 2,375 ang kabuuang bilang ng mga pagpatay at pagkawala mula noong 2012.

Nananatili rin ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga nagtatanggol sa lupa at kalikasan. Higit kalahati ng mga pag-atake sa mundo ay sanhi ng agawan sa lupa at likas-yaman, kung saan ang sektor ng pagmimina ang natukoy na pinakanakamamatay matapos maitala ang 11 pagpatay sa buong mundo, at apat dito ay naganap sa Pilipinas.

Giniit ni Legarda na kailangang maunahan ang karahasan sa pamamagitan ng pagkilala sa karapatan ng mga residente at maagang pakikipagdiyalogo bago pa aprubahan ang ano mang proyekto. Upang matugunan ang ugat ng mga sigalot na ito, isinusulong ng senador ang Senate Bill No. 311 o ang Indigenous Community Conserved Territories and Areas Act para sa proteksyon at pagkilala sa mga ancestral domain, gayundin ang Senate Bill No. 1251 o ang Philippine Environmental Assessment System Act na naglalayong magtatag ng National Environmental Protection Agency at mas striktong pagsusuri sa epekto ng mga proyekto.

Ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018 (RA 11038) kung saan siya ang principal author at co-sponsor. Sa huli, binigyang-diin ng senador na ang proteksyon sa kalikasan ay nakasalalay sa kakayahan ng mga karaniwang mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin nang walang banta sa kanilang buhay at kaligtasan.