Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Bobet, marami ang 'napagaling'

James Pacala · Oct 7, 2026, 1:09 AM

Usap-usapan ngayon ang tila “himala” na pagpapagaling na iniuugnay ng ilang supporters sa yumaong Ateneo student-athlete na si Rene Clert “Bobet” Baterbonia, ayon sa mga indibidwal na bumisita sa kanyang puntod sa Talacogon, Agusan del Sur.

Makikita sa ilang viral post ng mga taga-suporta ng yumaong player ang kanilang mga kuwento tungkol sa umano’y pagbuti ng kanilang kondisyon matapos bumisita sa puntod ni Bobet.

Kinumpirma naman ng ina ni Bobet na si Rovelyn Baterbonia na may ilang indibidwal na nagkuwento sa kanya na gumaling o bumuti ang kanilang kondisyon matapos ang pagbisita sa puntod ng kanyang anak.

“Hindi ko alam ano ang eksaktong ginawa sa kanila ni Bobet, pero totoo, sinabi nila na marami ang gumaling at gumanda ang kondisyon,” ani Rovelyn.

Sa isang kumalat na post tungkol sa isang batang lalaki na bumisita sa puntod kasama ang kanyang kaanak, sinabi nilang biglang bumuti ang kalagayan ng bata na dati umanong nakaratay sa higaan at may nakakabit na oxygen.

Matapos umano ang pagbisita, agad na yumakap ang bata sa picture frame ni Bobet, ayon sa post.

Batay rin kay Rovelyn, may isang indibidwal umanong bumisita noon na naka-wheelchair at sinabing gumaling matapos ang pagpunta sa puntod ni Bobet. Bumalik umano ito upang magpasalamat.

“Naku! Maraming salamat talaga sa anak mo kasi isa ako sa napagaling niya, 50-50 na kasi ako,” ayon kay Rovelyn, na siyang sinabi umano sa kanya ng naturang indibidwal.

May ilan din namang nagkuwento na napanaginipan nila ang sikat na basketball player bago sila nagtungo sa kanyang puntod.

Gayunman, aminado si Rovelyn na wala siyang anumang ebidensiyang makapagpapatunay na ang mga paggaling na ito ay direktang dulot ni Bobet.

Sa kabila nito, patuloy na dumarami ang mga bumibisita sa puntod ng yumaong manlalaro.