DYARYO TIRADA
Napapanahon na
Ngayong tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hindi rin maikakaila na pati ang mga maintenance na gamot ng ating mga senior citizens ay tumataas na rin na nagdudulot nang dagdag pahirap sa ating mga elderly.
Ang buwanang ayuda na pumapatak sa P1,000 para sa ating mga indigent seniors – nakakalungkot man isipin – ay talagang barya na lamang kung tutuusin.
Kaya naman ang panukala ni Senator JV Ejercito na doblehin na ang ayuda para sa senior citizens mula P1,000 tungo sa P2,0000 ay talagang napapanahon at magiging malaking tulong sa kanila.
Isa itong hakbang na talagang sumasagot sa totoong sitwasyon ng buhay ng ating mga lolo't lola.
Kung matatandaan, noong maipasa ang Republic Act 11916 noong 2022 para itaas sa P1,000 ang dating P500 na pension, malaking ginhawa iyon. Pero pagkaraan ng apat na taon, kinain na ng inflation ang halagang iyon.
Para sa milyun-milyong seniors na walang ibang inaasahang Social Security System, Government Service Insurance System o tulong mula sa pamilya, pumapatak lang na P33 kada araw ang P1,000.
Dito pa lang sa Metro Manila, kulang na kulang pa 'yan para makabili ng kahit isang pares ng maintenance na gamot o isang kilong bigas.
Nakikita sa panukala ni Ejercito ang isang mahalagang katotohanan: Hindi pwedeng nakapako lang ang tulong ng gobyerno habang nagmamahal ang buhay. Iba ang pangangailangan ng mga senior citizen, lalo na pagdating sa kalusugan at pagkain.
Kung hahayaan natin silang magkasya sa ganitong kaliit na halaga, ibinabagsak lang natin ang burden o pasanin sa mga pamilya nilang naghihirap din.
Siyempre, siguradong may magsasabi na naman mula sa sektor ng pondo na kulang ang budget ng bansa. Totoong kailangang maging maingat sa paggasta, pero hindi ibig sabihin noon ay tiis-ganda na lang ang ating mga matatanda.
Ang budget ng gobyerno ay sumasalamin ng prioritization natin bilang bansa—kung nakakahanap tayo ng pondo para sa mga malalaking kalsada, imprastraktura, at iba pang proyekto – na kalaunan ay ninanakaw naman -- bakit natin titipirin ang mga seniors?
Bukod dito, maganda rin ito para sa lokal na ekonomiya, dahil ang ibinabayad sa mga senior ay hindi naman napupunta sa bangko para ipunin; idinidiretso agad nila ito sa palengke, sa kalapit na botika, at sa sari-sari store.
Sa madaling salita, umiikot agad ang pera sa mismong komunidad.
Pero siyempre, kasabay ng pagdodoble ng pension, kailangan ding ayusin ng National Council on Senior Citizens at Department of Social Welfare and Development ang pamimigay nito.
Balewala ang dagdag-pension kung palaging huli ang dating ng ayuda, abala ang proseso, o mali-mali ang listahan ng mga nakatatanggap. Kailangang gawing mas mabilis, modernisado, at maayos ang pamimigay nito sa bawat bayan at lungsod.
Ang paggawang P2,000 sa buwanang social pension ay hindi lang basta usaping pinansyal—usapin ito ng respeto at pagpapahalaga sa ating mga nakatatanda.
Nararapat lamang na suportahan ng Kongreso ang panukalang ito para makaramdam naman ng totoong ginhawa ang ating mga lolo't lola.