Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Malacañang, nagbabala laban sa pagho-hoard ng tubig

Michael Pingol · Oct 2, 2026, 4:25 PM

RESIDENTS of Barangay Labangon in Cebu City get water ration during a supply shortage. — Photograph courtesy of MCWD

Nagbabala ang Malacañang sa publiko laban sa labis na pag-iimbak o pagho-hoard ng inuming tubig bunsod ng pangambang maaaring makaapekto sa suplay ng tubig ang inaasahang Super El Niño.

Kasunod ito ng pagkalat sa social media ng mga larawan at post na nagpapakitang nag-iimbak ang ilang residente ng maraming galon ng mineral at distilled water dahil sa pangambang magkaroon ng kakulangan sa suplay.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mahalagang maging handa ang publiko sa posibleng epekto ng El Niño, ngunit hindi kinakailangang mag-panic o mag-imbak nang sobra-sobra.

Sinabi ni Castro na nakahanda ang pamahalaan, kabilang ang sapat na pondo, upang tugunan ang pangangailangan ng mga sektor na posibleng maapektuhan ng matinding tagtuyot.