DYARYO TIRADA
LTFRB, ipinatawag ang 19 ride-hailing firms sa isyu ng bagong fare matrix
Ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 19 na ride-hailing platform matapos umanong mabigong ipatupad ang bagong itinakdang pasahe para sa Transportation Network Vehicle Service (TNVS).
Ayon kay acting LTFRB Chairman Greg Cua Jr., nakatanggap ang ahensya ng mga reklamo mula sa mga driver na gumagamit pa rin umano ang ilang ride-hailing platform ng lumang fare matrix o taripa.
Sa ilalim ng bagong pasahe, itinaas sa ₱65 ang base fare para sa sedan, ₱75 para sa AUV, ₱55 para sa hatchback, at ₱165 naman para sa premium TNVS.
Binigyan ng show cause order ang 19 na kumpanya at inatasang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang awtoridad na mag-operate.
Itinakda ng LTFRB sa Oktubre 7 ang pagdinig para talakayin ang naturang isyu.