Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Ikatlong NSCR trainset, dumating na sa Valenzuela depot

Louisse Kalingag · Sep 19, 2026, 5:30 PM

Dumating na sa Malanday Depot sa Valenzuela City ang isa sa walong bagon ng ikatlong 8-car Electric Multiple Unit (EMU) trainset para sa North-South Commuter Railway (NSCR) Malolos-Tutuban segment.

Inaasahang darating ang iba pang bagon sa mga susunod na araw upang makumpleto ang buong trainset sa susunod na linggo.

Target ng Department of Transportation (DOTr) na simulan sa Disyembre 2027 ang operasyon ng N1 o Valenzuela-Malolos, Bulacan segment ng NSCR.

Samantala, target namang ganap na mapaandar ang NSCR mula Clark hanggang Calamba, Laguna sa ikatlong quarter ng 2033.

May haba na 147 kilometro ang NSCR at binubuo ng 35 istasyon na mag-uugnay sa Central Luzon, Metro Manila at Calabarzon. Tinatayang aabot sa halos 800,000 commuter kada araw ang makikinabang sa rail line kapag ganap na itong operational.