DYARYO TIRADA
P65K halaga ng shabu, nasabat; 3 timbog
Nagkakahalaga ng tinatayang PHP65,000 na halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa tatlong magkakahiwalay na operasyon.
Ayon sa awtoridad, aabot sa 9.5 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga operasyon.
Isinagawa ang unang operasyon dakong alas-7:00 ng gabi noong Hulyo 20, kung saan naaresto ang isang 33-anyos na construction worker matapos umanong makipagtransaksyon sa isang undercover operative. Tinatayang PHP20,400 na halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa suspek.
Sa parehong gabi, dakong alas-11:12, nadakip naman ang isang 19-anyos na residente ng San Carlos City, Pangasinan matapos makumpiskahan ng tinatayang PHP10,500 na halaga ng hinihinalang shabu.
Samantala, isinagawa ang ikatlong operasyon dakong alas-12:39 ng madaling araw noong Hulyo 21, kung saan naaresto ang isang 54-anyos na mangingisda na kinilala rin ng pulisya bilang isang high-value individual (HVI).
Kasalukuyang nakapiit ang tatlong suspek sa DCPO Custodial Facility at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.