DYARYO TIRADA
Pamantasan, binawi ang ulat tungkol sa Batanes na pagmamay-ari ng Tsina
Tahimik na inalis ng Jinan University ng China sa website nito ang isang ulat na nagsasabing pag-aari umano ng China ang Batanes ng Pilipinas, matapos itong batikusin ng mga opisyal ng Pilipinas at ng publiko.
Ayon sa maritime monitoring group na SeaLight, tinanggal ang ulat nang walang inilabas na pagbawi, pagwawasto, o anumang paliwanag.
Ayon sa SeaLight, hinihikayat sa naturang ulat ang China na "igiit ang soberanya" nito sa Batanes at dagdagan ang pagpapatrolya ng China Coast Guard, gayundin ang pagpapatupad ng mga hakbanging militar "sa tamang pagkakataon."
Sa kabila ng pagtanggal sa ulat, sinabi ng SeaLight na hindi naman itinanggi o sinuportahan ng Beijing ang mga konklusyon ng mga iskolar, na nagpapahiwatig na maaaring nais ng China na mapanatili ang naturang salaysay habang iniiwasang maghayag ng opisyal na pag-aangkin sa teritoryong tinitirhan ng mga Pilipino.