Nagbabala ang mga oil industry players sa publiko na posibleng magkaroon muli ng malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa darating na Martes, ika-7 ng Abril.
Batay ito sa galaw ng unang apat na araw ng trading, na bagama’t pabagu-bago, ay nananatiling nasa pataas na trend katulad ng mga nakaraang linggo.
Ayon sa paunang pagtataya, maaaring umabot sa humigit-kumulang P6.20 kada litro ang itataas ng gasolina, P20.00 kada litro para sa diesel, at P13.00 kada litro para sa kerosene. Kasama na sa mga presyong ito ang Excise Tax at Risk Premium.
Ipinaalala ng mga tagamasid na maaari pang magbago ang mga presyo depende sa magiging galaw ng pandaigdigang merkado.
Gayunpaman, kung magpapatuloy ang kasalukuyang direksyon ng trading, inaasahang mararamdaman ng mga motorista at negosyante ang epekto ng dagdag-presyo sa susunod na linggo.
Sa kasalukuyan, nasa P134.90 kada litro ang diesel sa Metro Manila, P109.90 ang gasolina, at P104.90 naman ang kerosene.
Gayunman, maaaring mag-iba ang presyo sa ilang gasolinahan na may mga promo o diskuwento.