Screengrab from Israel News
DYARYO TIRADA

Giyera sa Middle East, walang direktang banta sa Pinas — DND

Abegail Esquierda

Nilinaw ng Department of National Defense (DND) na walang direktang banta sa Pilipinas ang kasalukuyang giyera sa Middle East.

Sa pahayag noong Linggo, ika-1 ng Marso, sinabi ng DND na ang hidwaan ay "nananatili sa loob ng Middle East at walang kapani-paniwalang direktang banta sa ating teritoryo at sa mga mamamayang Pilipino at dayuhan sa bansa."

Binigyang-diin din ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang pahayag ng National Security Council na walang base militar ang Amerika sa bansa, taliwas sa pinaniniwalaan ng marami.

Paglilinaw ng ahensya, ang mayroon lamang sa bansa ay mga EDCA sites (Enhanced Defense Cooperation Agreement) na nananatili sa ilalim ng buong kontrol ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinapayuhan ang mga Pilipino na manatiling mapagmatiyag laban sa fake news, habang ang mga ahensya kabilang ang DND at AFP ay masusing nagbabantay sa mga kaganapan sa Middle East.