Nanawagan ang National Authority for Child Care (NACC), isang ahensyang nakakabit sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ng mas matinding aksyon mula sa mga social media platform, partikular na ang Meta, upang pigilan ang paglaganap ng online baby selling at mga grupo ng illegal adoption.
Inihayag ni NACC Asst. Secretary for Operations and Services Rowena Macalintal na pinaigting na ng ahensya ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang tugunan ang tumataas na kaso ng ilegal adoption.
“Ngayon po tayo ay matamang nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police at Women and Children Protection Center. Na-flag po natin sa kanila lahat ng mga na-monitor nating online Facebook groups ng mga ampunan ng bata, Babies for Sale, at mga Online Adoption Page. Ito ang mga sites kung saan nagkikita at nagkakausap pa itong seller at perpetrators at buyers,” ani Macalintal.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na hindi posibleng i-takedown ang lahat ng natukoy na grupo dahil sa mga nagpapatuloy na operasyon ng batas. “Nanawagan ang PNP na huwag dapat total takedown, kasi meron silang ongoing active entrapment operations. Meron tayong mga nahuhuli at nasasampulan ng mga nakakasuhan ng perpetrators natin,” dagdag niya.
Presyo ng sanggol at pananagutan ng platforms
Batay sa kanilang natuklasan, iniulat ni Macalintal na ang mga sanggol ay ibinebenta sa mga Facebook group na ito sa halagang mula P8,000 hanggang P130,000. Binanggit din niya na ang ilang na-monitor na grupo ay may hanggang 13,000 miyembro, na nagpapakita umano ng kakulangan ng agarang aksyon mula sa Meta.
“There’s a provision in the expanded Anti-Trafficking Law that these internet intermediaries can be held liable if knowingly, and by gross negligence, they allow their sites to be used as trafficking mode. Dito sa nangyayari sa online baby selling kung saan through the Facebook groups nakikita ang perpetrator at mga buyers, nagagamit na for trafficking ang kanilang site,” pagdiin ni Macalintal.
Dahil dito, nanawagan siya para sa isang pormal na diyalogo sa pagitan ng gobyerno at ng social media platform. Hinimok niya ang pamahalaan na maging mas mapagmatyag at gumawa ng seryosong representasyon sa Meta upang awtomatikong harangin ang paggawa ng mga grupong labag sa batas ng Pilipinas.
Paalala sa mga magulang at buyer
Bukod sa mga seller, maaari ring managot ang mga buyer na nasasangkot sa mga aktibidad na ito, dahil binigyang-diin ni Macalintal na ilegal ang online adoption sa Pilipinas. Ipinaliwanag niya na ang pormal na proseso ng adopsyon ay tumatagal lamang ng humigit-kumulang siyam na buwan kung susunod ang mga prospective parents sa lahat ng requirements.
Samantala, para sa mga magulang na hindi na kayang alagaan ang kanilang mga anak, tiniyak ni Macalintal na maaari silang lumapit sa NACC, sa mga opisina ng DSWD, mga lisensyadong child care agencies, at iba pang pasilidad para sa tamang assessment at counseling. Iginiit niya na mayroong ligtas at legal na mga opsyon upang protektahan kapwa ang bata at ang magulang.