ON the fourth and final day of the confirmation of charges hearing on the case against former President Rodrigo Duterte (center), the defense team led by counsel Nicholas Kaufman (right) made their final presentation, and the prosecution led by senior trial lawyer Julian Nicholls (left), the common legal representatives of the victims and the defense team delivered their closing statements. The pre-trial chamber (top photo) made up of Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc and Judges Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou and María del Socorro Flores Liera also discussed the review of Duterte’s detention at the International Criminal Court. Photographs courtesy of ICC/DAILY TRIBUNE images
DYARYO TIRADA

Mga menor de edad na damay sa EJK, ibinulgar sa ICC; Kaufman, umalma

Abegail Esquierda

Bumuwelta si Nicholas Kaufman, ang abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa pahayag ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa mga menor de edad na diumano’y nadamay sa mga patayan sa ilalim ng kampanya kontra-droga.

Sa huling araw ng confirmation hearing ni Duterte para sa kasong crimes against humanity nitong Biyernes, ika-27 ng Pebrero, iginiit ni Kaufman na maliban sa kaso ng 17-anyos na si Kian Delos Santos, walang sapat na ebidensya si Prosecutor Edward Jeremy para sa paratang na may iba pang mga batang biktima ng extra-judicial killing (EJK).

Ayon kay Kaufman, walang iprinisintang mga birth certificate o karampatang dokumento na magpapatunay na totoo ang mga alegasyon ni Jeremy.

Matatandaang noong ikalawang araw ng hearing, ika-24 ng Pebrero, idinetalye ni Jeremy na may dalawa pang menor de edad, na nasa edad 14 hanggang 15, ang nasawi. Ayon sa prosekusyon, magkahiwalay ang tagpo ng krimen ngunit parehong nakabalot ng packing tape ang mga ulo ng biktima at sinakal gamit ang alambre hanggang mamatay.

Bilang depensa, binigyang-diin ni Kaufman na bagama’t "malagim" ituring ang pagkakasangkot ng mga kabataan bilang biktima sa kampanya kontra-droga, nangangailangan ang korte ng matibay na patunay at hindi lamang emosyon.