SCREEN grab mula sa time-lapse footage na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ay nagpapakita ng pagbuga ng abo ng Mount Kanlaon nitong Biyernes ng umaga. PHIVOLCS
DYARYO TIRADA

64 pamilya inilikas habang nagpapatuloy ang unrest sa Kanlaon

Jerod Orcullo

Nanatiling aktibo ang Mount Kanlaon kasunod ng katamtamang pagsabog nito noong Huwebes ng gabi, 26 Pebrero 2026, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa isang social media post noong Biyernes, 27 Pebrero, naglabas ang PHIVOLCS ng time-lapse footage na nagpapakita ng isang oras na pagbuga ng abo na naobserbahan mula 9:43 a.m. hanggang 10:53 a.m.

Umabot sa tinatayang isang kilometro ang taas ng ash plume mula sa bunganga ng bulkan at tinangay ng hangin patimog, ayon sa ahensiya.

Nananatili ang Alert Level 2 sa Kanlaon batay sa pinakahuling 24-hour monitoring report ng PHIVOLCS, na nangangahulugang may katamtamang unrest.

Matapos ang pagsabog alas-7:04 ng gabi noong Huwebes, tumagal ng 71 minuto ang pagbuga ng abo na inilarawang “voluminous” at dumaloy patimog-kanluran.

Ayon sa Police Regional Office sa Negros Island Region, nagsagawa ng evacuation operations sa mga apektadong komunidad, kung saan 64 pamilya ang nailikas matapos maapektuhan ng ashfall.

Iniulat ng mga awtoridad na 19 lungsod at munisipalidad ang naapektuhan, at umabot sa 16 barangay ang natabunan ng abo.

Nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng 14 volcanic earthquakes sa paligid ng bulkan at nakapagsukat ng 194 tonelada ng sulfur dioxide flux sa loob ng monitoring period.

Nagbabala ang ahensiya sa publiko na mahigpit na iwasan ang apat na kilometrong permanent danger zone sa paligid ng Kanlaon dahil sa banta ng biglaang steam-driven eruptions at posibleng magmatic activity.