Daily Tribune

DYARYO TIRADA

PPA may record-breaking na higit P30-B kita noong 2025

Michael Pingol · Feb 26, 2026, 2:05 PM

Nagtala ng panibagong yugto sa kasaysayan ang Philippine Ports Authority (PPA) matapos makapagtamo ng mahigit P30 bilyong kita—ang pinakamataas sa kasaysayan ng ahensya.

Batay sa unaudited financial report, kumakatawan ito sa 9% na pagtaas kumpara noong 2024.

Dahil sa matatag na performance sa fiscal year, inaprubahan ng PPA Board of Directors ang pinakamalaking dividend remittance nito sa pambansang pamahalaan na umabot sa P5.33 bilyon, katumbas ng 52% ng net earnings. Alinsunod ito sa umiiral na batas sa dibidendo na nag-aatas sa mga GOCC na mag-remit ng hindi bababa sa 50% ng kanilang netong kita sa national government.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, ang pagtaas ng kita ay bunsod ng patuloy na paglago ng vessel traffic at cargo throughput, mas mataas na kita mula sa storage, at pag-igting ng regulatory income kasunod ng pagsasaayos ng mga taripa, kabilang ang dollar-denominated tariffs.