PASIG City Mayor Vico Sotto, ipinagmamalaki ang pagkilala sa lungsod sa pamamagitan ng $1 milyon na grant mula sa Bloomberg Philanthropies para sa floating parks initiative. 
DYARYO TIRADA

Pasig City pinagkalooban ng Bloomberg Philanthropies ng $1M grant

Michael Pingol

Nakamit ng Pasig City ang $1 milyon na grant mula sa Bloomberg Philanthropies matapos kilalanin ang “floating parks initiative” ng lungsod bilang isa sa mga nangungunang urban innovation sa buong mundo.

Kabilang ang Pasig sa 24 global winners na napili mula sa mahigit 630 aplikante sa iba’t ibang bansa para sa 2025–2026 Mayor’s Challenge. Kinikilala ng kompetisyon ang mga lokal na pamahalaan na nagmumungkahi at sumusubok ng makabagong solusyon upang mapabuti ang mahahalagang serbisyo para sa kanilang mga residente.

Sa 25 lungsod mula sa Pilipinas na sumali sa patimpalak, tanging Pasig City lamang ang nakapasok sa Top 24.

Ayon kay Mayor Vico Sotto, nakatuon ang kanilang panalong plano sa pag-transform ng mga flood-prone waterway at water waste areas upang maging mga floating park na may lawak na hanggang 700 metro kuwadrado. Ang mga ito ay magkakaroon ng modular circular platforms at converted barge na kayang magsakay ng hanggang 25 katao.