Binatikos ng Malacañang ang lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman kaugnay sa naging pahayag nito sa International Criminal Court na umano’y nakialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaso ng dating pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, mapangahas at walang basehan ang paratang ni Kaufman na nais sirain ni Pangulong Marcos ang reputasyon at pamana ni Duterte.
Dagdag pa ni Castro, tila si Kaufman ang may “cognitive impairment” at hindi ang kanyang kliyente, dahil nakaligtaan umano nito ang mga kasong crimes against humanity laban kay Duterte na inihain sa ICC noong 2017—panahong hindi pa pangulo si Marcos.
Iginiit din ng Malacañang na nabigo si Kaufman na maglatag ng malinaw na depensa kaugnay sa mga alegasyon ng extrajudicial killings laban kay Duterte, na sinasabing naganap pa noong siya ay alkalde pa lamang.