Umabot na sa ₱20 kada kilo ang presyo ng bigas sa Davao City sa ilalim ng isang flagship program ng administrasyong Marcos. Bahagi ito ng pinalawak na Kadiwa ng Pangulo platform na naglalayong maghatid ng mas murang bigas sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mas pinaigting ang pagpapatupad ng programa sa mga komunidad at inilunsad ito ng Department of Agriculture (DA) sa antas-barangay sa Davao City. Layunin ng hakbang na ito na mapalawak ang akses ng publiko sa abot-kayang bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, ang programa ay isang kongkretong pagtupad sa pangako ng Pangulo na pababain ang presyo ng pagkain, lalo na ang bigas, para sa mga mahihirap na mamamayang Pilipino.
Kabilang sa pangunahing nakinabang sa programa ang mga senior citizen, solo parents, persons with disability (PWD), at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Kasama rin dito ang mga rehistradong magsasaka, mangingisda, transport workers, guro, at mga minimum wage earner.