Naghain si Senadora Loren Legarda ng panukalang batas na naglalayong palakasin ang proteksiyon sa pambansang pamana at pasiglahin ang konserbasyon ng mga gusaling kultural at ancestral houses sa pamamagitan ng mga insentibong piskal.
Ang Senate Bill No. 1852, o ang “Strengthening the Conservation and Protection of Philippine Cultural Heritage Through Heritage Incentives,” ay nagmumungkahi ng amyenda sa National Cultural Heritage Act of 2009. Layunin nitong magbigay ng tax relief, credit benefits, at iba pang insentibo para sa pribadong may-ari ng mga kultural na estruktura upang matugunan ang mataas na gastos sa konserbasyon, restorasyon, at pagpapanatili, na madalas nagdudulot ng pagkasira o pagkawala ng makasaysayang gusali.
Ayon kay Legarda, dapat ituring ang pamana hindi lamang bilang simbolo ng kultura kundi bilang yamang pang-ekonomiya na dapat mapanatili.
“Ang pangangalaga sa ating pambansang pamana ay hindi lamang usapin ng estetika o alaala; ito ay tungkulin upang pangalagaan ang kongkretong pagpapahayag ng ating kolektibong alaala, pagkakakilanlan, at kasaysayan,” ani Legarda.
Itinatag ng panukalang batas ang Cultural Property Incentive Program na sasaklaw sa mga deklaradong estrukturang pamana at ancestral houses. Nagbibigay ito ng hanay ng mga insentibong piskal upang maging abot-kaya ang konserbasyon, kabilang ang grant at access sa financing mula sa mga institusyong pampinansya ng pamahalaan.
Magbibigay ang panukala ng tax credits para sa paglilipat ng pagmamay-ari at restorasyon ng Grade I at Grade II na estruktura, at exemption sa real property tax. Pinahihintulutan din ang mga lokal na pamahalaan na magbigay ng exemption sa Grade III na estruktura. Kasama rin sa mga insentibo ang exemption sa income tax, import duties, at VAT para sa mga kwalipikadong aktibidad ng konserbasyon.
“Ang ating pamana ay kadalasang nawawala hindi dahil sa kapabayaan, kundi dahil sa hindi kayang gastusin sa pagpapanatili. Binabawasan ng panukalang ito ang pasaning buwis at gastos ng mga may-ari na sumusunod sa pamantayan ng konserbasyon, upang maging posible ang restorasyon,” pagtatapos ni Legarda.
Si Legarda ang Chairperson ng Senate Committee on Culture and the Arts at may history ng pagsusulong ng mga batas para sa pambansang pamana, kabilang ang National Cultural Heritage Act (RA 10066) at Cultural Mapping Law (RA 11961).