Nag-viral sa social media ang video ng isang lalaki na inihagis ang isang pusa mula sa tulay sa East West Road sa Brgy. Kayquit 2, na nagdulot ng matinding reaksyon mula sa netizens at animal welfare advocates.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naganap ang insidente noong 17 February 2026. Nagsimula ang pagsisiyasat matapos makatanggap ng sulat ang pulisya mula sa animal welfare group na Humane Philippines.
Sa kumalat na video, makikita ang lalaki na binubuhat ang isang puting pusa bago ito ihagis mula sa tulay. Nauna nang sinabi ng grupo na pinaniniwalaang buntis ang hayop batay sa unang ulat na kanilang natanggap.
Humarap sa pulisya ang suspek matapos siyang matukoy. Sa kaniyang paunang pahayag, sinabi niyang nakita umano niya ang pusa na nasagasaan at inihagis niya ito sa paniniwalang patay na ang hayop.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Indang Municipal Police Station upang matukoy ang posibleng pananagutan ng lalaki, gayundin ang pagkakakilanlan ng taong kumuha ng video.
Nagpadala rin ng rescue team sa lugar ang Humane Philippines matapos may mag-ulat na posibleng buhay pa ang pusa. Gayunman, sinabi ng grupo na hindi natagpuan ang hayop sa kabila ng koordinasyon sa barangay.
Ayon kay Trisha Lim, presidente ng Humane Philippines, magsasampa sila ng kaso laban sa suspek sa ilalim ng Republic Act 8485 o Animal Welfare Act of 1998.
Samantala, sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Lim na may ulat na isang pusang na-rescue at dinala sa beterinaryo. Ayon sa beterinaryo, hindi buntis ang nasuring hayop.
“Traumatized po yung pusa,” ayon kay Lim. “Expected ko sobrang lala nung injuries pero okay naman daw.”
Nilinaw din ng beterinaryo na wala umanong kumpirmasyon na ang na-rescue na pusa ang mismong hayop na nasa viral video. Hinihintay pa ang beripikasyon ng pulisya at resulta ng laboratory tests.
Nakatakdang pormal na ihain ang reklamo sa Lunes, 23 February 2026, sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Nagpaalala naman ang grupo laban sa paggawa ng content na may kinalaman sa pananakit ng hayop.
“Hindi dapat ginagamit ang animal cruelty pang content,” ayon kay Lim.