FORMER Prince Andrew Mountbatten-Windsor was arrested on Thursday, 19 February 2026. He was seen appearing frightened in the back of an Aylsham police car. AFP.
DYARYO TIRADA

Andrew, maaaring tanggalin sa linya ng pagmamana sa trono ng UK

Pamahalaan ng UK, nagbabalak gumawa ng batas na mag-aalis kay Andrew Mountbatten-Windsor sa linya ng paghahari matapos ang pag-aresto sa kanya dahil sa alegasyon ng misconduct.

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Pinag-iisipan ng pamahalaan ng United Kingdom na magpasa ng batas upang tanggalin si Andrew Mountbatten-Windsor sa linya ng paghahari, matapos siyang maaresto dahil sa alegasyon ng misconduct sa public office.

Inaresto ang dating prinsipe noong 19 Pebrero sa kanyang tahanan sa Sandringham at pinalaya matapos ang 11 oras na custodiya. Paulit-ulit niyang itinanggi ang anumang pagkakasala.

Kahit na tinanggal na ang kanyang mga titulong royal noong Oktubre, nananatili siyang ikawalo sa linya ng pagmamana sa trono pagkatapos nina Prince William at tatlong anak nito, at Prince Harry at dalawang anak nito. Noong ipinanganak, siya ay pangalawa lamang sa linya pagkatapos ni Charles, ngunit unti-unting bumaba habang lumalaki ang pamilya ng hari.

Iniimbestigahan ng Thames Valley Police ang alegasyon na maaaring ibinahagi ni Mountbatten-Windsor ang mga kumpidensyal na impormasyon kay Jeffrey Epstein, na isang napatunayang sex offender, habang nagsilbi bilang trade envoy ng UK mula 2001 hanggang 2011. Aabot sa siyam na puwersa ng pulisya ang nagsisiyasat ng halos tatlong milyong dokumento mula sa Epstein files, kabilang ang umano’y human trafficking at maling paggamit ng opisyal na impormasyon.

Bilang bahagi ng imbestigasyon, kinokontak ng Metropolitan Police ang dating at kasalukuyang bodyguards at staff ni Andrew, hinihikayat silang ibahagi ang anumang nakita o narinig na maaaring makatulong sa kasalukuyang pagsusuri. Patuloy rin ang paghahanap ng Thames Valley Police sa dating tirahan ni Andrew sa Windsor, Royal Lodge, na inaasahang magtatagal hanggang weekend.

Ang pagpapabago sa linya ng paghahari ay mangangailangan ng batas mula sa Parliament at pahintulot mula sa iba pang Commonwealth countries na pinamumunuan din ng British monarch. Ayon sa YouGov poll, 82 percent ng mga Briton ay naniniwalang dapat siyang tanggalin sa linya ng paghahari.

Sinabi ni Defence Minister Luke Pollard sa BBC Radio 4 na tama lang na alisin si Andrew sa linya ng paghahari, kahit ano pa ang resulta ng imbestigasyon. Sinusuportahan din ng ilang MPs mula sa Liberal Democrats ang hakbang, bagama’t may ilang Labour parliamentarians na hindi kumbinsido dahil malabong maabot ni Andrew ang trono.