Isinusulong ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa urban farming sa Maynila matapos ang kanyang pagbisita sa Metro Pacific Fresh Farms sa San Rafael, Bulacan.
Ayon sa kumpanya, nagpapatakbo sila ng greenhouse complex gamit ang controlled environment agriculture, isang paraan ng pagtatanim na naglalayong panatilihin ang tuloy-tuloy at mas matatag na produksyon sa kabila ng pabagu-bagong kondisyon ng panahon.
Tinukoy ng alkalde na ang pagbisita ay bahagi ng plano ng lokal na pamahalaan na gawing urban farming areas ang mga bakante o hindi nagagamit na lupain sa lungsod, bilang bahagi ng pagsisikap na mapalakas ang lokal na suplay ng pagkain at seguridad sa pagkain ng Maynila.