Inihayag ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) nitong Miyerkules, 18 Pebrero 2026, ang buong suporta nila kay Vice President Sara Duterte, ilang sandali matapos nitong pormal na ianunsyo ang kanyang pagtakbo sa pagka-presidente sa 2028 national elections.
“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang pangulo ng Pilipinas,” sabi ni Duterte sa isang press conference.
Bago ang kanyang talumpati, inalis ni Duterte ang logo ng Office of the Vice President mula sa podium at umalis nang hindi sumasagot sa tanong ng mga reporters.
Ipinahayag ng PDP-Laban na makasaysayan ang desisyon ng bise presidente at buong pusong sinusuportahan ang kanyang kandidatura.
“Naniniwala ang PDP-Laban na ang ganitong uri ng pamumuno—may puso, may tapang, at may tunay na malasakit—ang kailangan ng ating bansa sa mga darating na taon,” ayon sa pahayag.
Idinagdag pa, “Kaisa niya ang buong PDP-Laban sa panawagang magkaisa ang sambayanang Pilipino tungo sa isang mas ligtas, mas maunlad, at mas makatarungang kinabukasan para sa lahat.”
Sa kanyang limang-pahinang talumpati, humingi si Duterte ng paumanhin sa publiko sa pagtangkilik sa 2022 presidential bid ni Ferdinand Marcos Jr.
“Mga kababayan, humihingi ako ng paumanhin sa inyong lahat. Patawad kung tinulungan kong mahalal si BBM bilang Pangulo ng ating bansa,” ani Duterte.
Inakusahan niya si Marcos na nabigo sa pagtupad ng mga pangako sa kampanya at sa kanyang sinumpaang tungkulin, na ayon sa kanya ay humantong sa patuloy na katiwalian at kakulangan sa pamamahala.
Sinabi ni Duterte na nagbitiw siya sa kanyang posisyon sa Gabinete matapos tanggihan na maging bahagi ng 2025 national budget, na tinawag niyang “tadtad ng katiwalian.”
“Dahil hindi ko kinaya maging bahagi ng 2025 national budget na tadtad ng katiwalian, pinili kong umalis sa Gabinete,” dagdag niya.
Inilahad ni Duterte ang umano’y kakulangan ng administrasyon kabilang ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, food insecurity, pagbaha, mahinang healthcare system, lumalalang imprastruktura, at patuloy na krimen, ilegal na droga, at terorismo.
“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin habang nananatiling kapos ang kita ng bawat pamilya,” sabi niya.
Kritikal din si Duterte sa umano’y kawalan ng malinaw at independent foreign policy, at nagbabala na maaaring maipit ang Pilipinas sa pagitan ng mga global superpowers.
Ayon sa bise presidente, siya rin ay naging target ng pulitikal na imbestigasyon at “scripted” congressional inquiries na layuning sirain ang kanyang reputasyon.
“Matagal na akong inaatake gamit ang buong makinarya ng kapangyarihan,” aniya, at idinagdag na habang hindi siya natatakot para sa sarili, nag-aalala siya para sa kinabukasan ng bansa at susunod na henerasyon.
Aniya, ang kanyang pagtakbo bilang presidente ay “alagad ng serbisyo” at hindi simpleng paghingi ng simpatiya.
“I cannot kneel before each and every Filipino to beg for forgiveness. Instead, I offer my life, my strength, and my future in the service of our nation,” dagdag niya.
Dumating ang anunsyo kasabay ng muling pagsampa ng mga impeachment complaint laban kay Duterte.
Noong 29 Enero, hinikayat niya ang pamahalaan na “move on” matapos patibayin ng Korte Suprema ang desisyon nitong idineklarang unconstitutional ang nakaraang articles of impeachment laban sa kanya.
Ngunit noong 2 Pebrero, dalawang bagong impeachment complaints ang naisampa at tinanggap ng House Secretary General. Ipinasa ang mga ito sa Office of Speaker Faustino Dy III.
Noong 6 Pebrero, iba’t ibang religious groups, pari, at abogado ang nagsampa ng pangatlong impeachment complaint laban kay Duterte, na may paratang ng betrayal of public trust at graft, kabilang ang umano’y maling paggamit ng hindi bababa sa P612 million sa confidential funds. Ipinasa rin ito sa opisina ng Speaker kinabukasan.
Sa kabila ng lumalalang legal at politikal na hamon, sinabi ng PDP-Laban na nagkakaisa sila sa suporta sa kandidatura ni Duterte.
“Sama-sama. Tuloy ang laban para sa Inang Bayan!” wika ng partido.