TACLOBAN CITY — Nagpahayag ng sama ng loob si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez matapos umano siyang murahin ng isang estudyante sa pamamagitan ng private message sa kanyang social media account kaugnay ng pagkaantala sa pagpapalabas ng Executive Order na magsususpindi sa klase dahil sa walang tigil na pag-ulan noong Martes.
Sa isang social media post noong Huwebes, inilathala ng alkalde ang screenshot ng ipinadalang pribadong mensahe at inimbitahan ang estudyante at ang magulang nito na makipagkita upang pag-usapan ang insidente.
“Hindi lisensya ang social media para maging bastos,” pahayag ni Romualdez. “Ang ganitong uri ng pananalita ay hindi ko palalagpasin.”
Hindi nakilala ang babaeng estudyante dahil naka-blur ang mukha at pangalan nito. Lumalabas sa Facebook account na siya ay nag-aaral sa University of the Philippines Tacloban campus.
Nilinaw ni Romualdez na ang pagsuspinde ng klase ay nakabatay sa rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office. Aniya, hindi na kailangang maghintay pa ng Executive Order kung may Orange Rainfall Warning na inilalabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) o abiso mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nagkaroon ng iba’t ibang reaksiyon ang naturang post ng alkalde, kabilang ang suporta at puna mula sa netizens.
Sa isang pahayag, sinabi ng UP Politikons, isang samahan ng mga mag-aaral ng political science sa UP Tacloban, na hindi katanggap-tanggap ang pagpapalabas ng isang pribadong mensahe sa official platform. Ayon sa grupo, maaari itong makasagasa sa citizen’s right to privacy and grievance.
“Using the very weight of a public office to target a private citizen contradicts the very ‘professionalism’ and ‘responsiveness to the public’ required by the law,” pahayag ng grupo.