Isang sekyu ang arestado pagkatapos mangholdap ng isang convenience store sa Brgy. San Jose Patag, Santa Maria ng gabi ng 11 Pebrero 2026.
Ayon kay Santa Maria MPS chief Police Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, hinoldap ang Alfamart 3 ng nasabing barangay ng alas 7:28 ng gabi nuong Pebrero 11. Nabiktima ang isang 28-anyos na cashier ng tindahan.
Ani ng cashier, ang suspek ay isang lalaking nakasuot ng itim na jacket na may puting pang-itaas at itim na shorts.
Matapos matanggap ang impormasyon, agad na nagsagawa ng hot pursuit at follow-up operation ang mga tauhan ng Santa Maria MPS kasama ang intelligence operatives, na nagresulta sa pagkakita at pagkakahuli sa suspek matapos ang isang pisikal na komprontasyon.
Sa isinagawang operasyon, narekober mula sa suspek ang isang bag na naglalaman ng isang caliber .38 na baril at apat na bala. Sa karagdagang imbestigasyon, ang suspek ay isang 37 taong gulang na security guard, at residente ng Brgy. Bulac, Santa Maria, Bulacan.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kasong Robbery at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban sa suspek na ihahain sa Office of the Provincial Prosecutor sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.