Sa isang matapang na pahayag, tinutukan ng Palace press officer na si Undersecretary Claire Castro si dating tagapagsalita ng Palasyo na si Harry Roque, na tinawag niyang tagapakalat ng fake news, matapos mag-post si Roque ng litrato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may “square” na imahe sa kanyang kaliwang hita, na tila colostomy bag.
Iginiit ni Roque na hindi totoo ang mga alegasyon, na umano’y nakasisira sa reputasyon ng Pangulo at ng pamahalaan, at nakakaapekto sa ekonomiya.
“Kung manggagaling lamang din po kay Harry Roque na masasabi na nating isang fake news peddler, nakita naman po natin ang video, yung kabuuan kung saan itinaas pa po mismo ng Pangulo ang kanyang mga kamay nung sya po ay kumakaway sa ating mga kababayan,” ani Castro sa Palace briefing nitong Miyerkules.
Ang colostomy bag ay nag-iipon ng dumi mula sa katawan matapos ang operasyon na lumikha ng bagong opening (stoma) sa tiyan, na nagdidirekta sa dulo ng colon, at ginagamit pansamantala upang maghilom ang bituka o permanente para sa mga kondisyon tulad ng cancer o malubhang sakit, na nagpapalabas ng dumi sa pouch imbes sa anus.
“Kitang-kita po na ang sinasabing larawan o ipinakitang larawan ni Harry Roque ay pawang kasinungalingan lamang,” diin ng Palace press officer.
Hinikayat din niya ang publiko na huwag maniwala sa mga rumor o kasinungalingan.
“Nakikiusap po tayo, huwag na po nating dalhin sa anumang usapan ang mga fake news peddlers katulad ni Harry Roque,” ani Castro.
Mula noong nakaraang linggo, nagsimulang dumalo si Marcos Jr. sa mga presidential functions matapos siyang magkasakit ng diverticulitis.