Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga parliyamento ng ASEAN na isulong ang responsableng pamamahala ng artificial intelligence (AI) at iba pang bagong teknolohiya upang maiwasan ang maling paggamit nito ng mga terorista at violent extremist groups.
Ginawa ni Dy ang panawagang ito sa kanyang keynote address sa pagbubukas ng parliamentary training course na nakatuon sa legislative at policy measures laban sa paggamit ng AI at bagong teknolohiya sa terorismo at violent extremism.
“Ang temang ito ay sumasalamin sa aming paniniwala na ang parliyamento ay hindi lamang legislative chamber, kundi tagapangalaga ng kapayapaan, tagapagtaguyod ng kaunlaran, at kabahagi ng mamamayan,” ani Dy.
Binanggit ng mambabatas mula sa Isabela na ang AI ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na buhay, tumutulong sa mas epektibong paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan, sumusuporta sa paglago ng ekonomiya, at nagpapalakas ng ugnayan sa komunidad.
“Sa aming kaso, sinimulan na namin ang mga hakbang upang gamitin ang teknolohiya para gawing mas epektibo at transparent ang mga legislative process bilang bahagi ng aming pagsusumikap na mas mahusay na mapaglingkuran ang aming mga nasasakupan,” sabi niya.
Ngunit nagbabala si Dy na ipinapakita ng pandaigdigang karanasan kung paano maaaring abusuhin ang bagong teknolohiya, kabilang ang mga halimbawa kung saan ginamit ng extremist groups ang social media, deepfake content, encrypted platforms, at AI-driven tools.
“Hindi ito mga malalayong posibilidad. May mga totoong kaso na naitala na sa buong mundo,” ani Dy.
Idinagdag niya na may direktang karanasan ang Pilipinas sa maling paggamit ng digital platforms, lalo na sa pagpapalaganap ng disinformation, pagtatanim ng takot, at pagbasag ng tiwala sa pampublikong institusyon sa panahon ng eleksyon at emergencies.
“Alam namin na ito ay mga banta na hindi na natin maaaring balewalain,” sabi niya, na binanggit ang aksyon ng law enforcement, legislative oversight, at mas matibay na digital governance bilang bahagi ng tugon ng bansa.
Ibinunyag ng Speaker na ang panukalang Anti-Fake News and Disinformation Bill ay kasama na sa priority legislative agenda at tiniyak ang pagpasa nito sa 20th Congress.
Binigyang-diin niya na dapat balanse ang mga security measure at proteksyon sa fundamental rights.
“Ang tiwala ng publiko ay nabubuo hindi lamang sa pagpigil ng pinsala, kundi sa pamamagitan ng patas, transparent, at accountable na batas,” ani Dy.
Pinagtuunan din niya ng pansin ang pangmatagalang kooperasyon sa pagitan ng mga parliyamento ng ASEAN, na binigyang-diin na ang terorismo at violent extremism ay lampas sa pambansang hangganan.
“Upang labanan ito nang epektibo, mahalaga ang tuloy-tuloy na kooperasyon sa mga parliyamento ng ASEAN, upang sabay-sabay umusad ang ating mga batas, oversight, at shared standards,” ani Dy.
Ang training course ay ginaganap sa temang “Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centered ASEAN,” habang hawak ng Philippine House of Representatives ang kasalukuyang presidency ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly.
“Ang terorismo at violent extremism ay hindi tumitigil sa hangganan. Gayundin, hindi dapat tumigil ang ating determinasyon,” ani Dy.