Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng tanggapan nito at mga lokal na pamahalaan (LGU) na tanggalin ang pangalan at larawan ng mga opisyal ng gobyerno sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Ayon sa inilabas na kautusan ng DILG, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan, mukha, logo, inisyal, color motif, slogan, o anumang simbolo ng mga pulitiko sa mga project signage, marker, at tarpaulin na gamit ang pondo ng bayan.
Iginiit ng DILG na ang mga programa at proyekto ng gobyerno ay nagmumula sa buwis ng taumbayan kaya hindi ito dapat gamitin bilang personal na billboard o paraan ng pag-aangkin ng kredito ng sinumang politiko.
Kaugnay nito, inatasan ang mga pinuno ng tanggapan na tiyaking mahigpit na ipatutupad at susundin ng kanilang mga nasasakupang yunit ang nasabing direktiba.