Nagbabala ang Department of Health (DOH) at Bureau of Quarantine sa publiko habang binabantayan ang posibleng paglaganap ng Nipah virus sa Pilipinas, kasunod ng dalawang kumpirmadong kaso sa silangang estado ng West Bengal sa India noong 28 Enero 2026.
Halos 200 katao sa India ang isinailalim sa quarantine matapos makasalamuha ang mga pasyente, ngunit lahat ay asymptomatic at negatibo sa virus matapos sumailalim sa testing. Bagaman nasa India ang mga kasong ito, maingat ang mga awtoridad sa Pilipinas dahil ang Nipah ay isang mataas na panganib na virus na walang bakuna o tiyak na lunas. Bukod pa rito, maraming species ng paniki sa bansa na maaaring maging carrier ng sakit.
Ayon sa DOH, sinusunod ng bansa ang mga health protocols at pinapalakas ang monitoring sa mga paliparan at pantalan, kabilang ang health screening ng mga biyahero mula sa mga apektadong bansa. Pinayuhan ang publiko na maging alerto sa mga sintomas gaya ng lagnat, pagkapagod, muscle pain, at ubo, pati na rin sa mga posibleng komplikasyon tulad ng pamamaga ng utak (encephalitis) at neurological na sintomas tulad ng pagkalito at seizures.
Nakukuha ang Nipah virus sa direct contact sa mga baboy na carrier ng virus o sa pagkain ng prutas na nahawaan ng mga fruit bats. May posibilidad ding maipasa ito mula tao sa tao sa pamamagitan ng laway, dugo, o ihi. Ang DOH ay nanawagan sa lahat na sundin ang hygiene protocols, iwasan ang direct contact sa mga hayop, at agad na magpatingin sa doktor kung may sintomas.
Ayon sa Palasyo, nakatutok ang mga ahensya ng gobyerno sa lahat ng ulat at abiso ng World Health Organization (WHO) tungkol sa Nipah virus upang maiwasan ang pagkalat nito sa Pilipinas.