Labing-isang bangkay ang nakuha ng mga lokal na mangingisda at volunteers malapit sa Baluk-Baluk Island sa Basilan. Pinaniniwalaang mga pasahero ito ng MV Trisha Kerstin 3 na lumubog kamakailan.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), apat sa mga bangkay ay dinala sa Sulu, habang lima naman ang dinala sa iba’t ibang lugar sa koordinasyon ng Philippine Coast Guard.
Dalawa pang bangkay ay hindi pa naaangkin ng kanilang pamilya.
“Retrieved 11 cadavers yesterday through joint efforts of Basilan response teams,” ani ng PDRRMO sa kanilang Facebook post.
Sinabi ng Philippine Coast Guard na hindi pa tiyak ang eksaktong bilang ng mga nawawala, dahil patuloy ang pag-uulat ng mga pamilya tungkol sa kanilang mga kamag-anak.
Ayon kay Commodore Rejard Marfe, commander ng Coast Guard District Southwestern Mindanao, ang mga bangkay ay nasa advanced na stage ng decomposition at nakilala base sa suot na damit ng mga biktima.
Noong Biyernes, ang disaster at emergency personnel na naka-PPE ay nag-unload ng pito sa labing-isang bangkay mula sa Coast Guard vessel BRP Capones sa pantalan ng Zamboanga City.
Patuloy ang search and recovery operations, habang tiniyak ng mga awtoridad na maibibigay ang tulong at impormasyon sa mga pamilya ng biktima.