BIGLANG bumagsak ang Acacia tree sa blessing area ng Minor Basilica. Photo from Manaoag LGU.
DYARYO TIRADA

Kulang sa blessing: Apat na sasakyan nadaganan ng puno sa Manaoag Minor Basilica

Jonas Reyes

Magpapabless sana ang mga may-ari ng apat na sasakyan nang biglang bumagsak ang isang Acacia tree sa tabi nila sa blessing area ng Minor Basilica of Our Lady of Manaoag, malapit sa Gate 5, pasado alas singko ng hapon ng 29 Enero 2026.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Manaoag, kasama sa nasaktan ng insidente ang isang commuter van at isang bagong biling SUV na parehong malubhang napuruhan. Dalawa pang SUV ang nagtamo ng minor na pinsala.

Rumesponde agad ang Manaoag PNP, Bureau of Fire Protection, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga tao at magsagawa ng clearing operations sa lugar.

Pumunta rin si Mayor Jeremy Agerico B. Rosario upang personal na tignan ang pangyayari at alamin ang kalagayan ng mga apektadong may-ari ng sasakyan.

Agad ding nakipag-ugnayan ang pamunuan ng Minor Basilica sa mga nasirang sasakyan at nagpaabot ng suporta sa mga apektadong indibidwal.

Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente, ngunit paalala ng lokal na pamahalaan na maging maingat sa mga public gatherings, lalo na sa mga lugar na may matataas na puno o posibleng panganib.