SENADOR Ronald "Bato" dela Rosa, magtatatlong buwan nang absent. Daily Tribune images.
DYARYO TIRADA

Expulsion ni Bato? Depende sa ethics committee — Lacson

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Magtatatlong buwan nang no-show sa trabaho si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang kinahaharap na parusa.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, ang tanging may kapangyarihang magpataw ng parusa laban sa isang senador ay ang Senate Committee on Ethics and Privileges. Kabilang sa mga posibleng parusa ang suspensyon ng sahod o expulsion sa puwesto.

Gayunman, sinabi ni Lacson na wala pang natatanggap na pormal na reklamo ang ethics committee, na pinamumunuan ni Sen. JV Ejercito, kaya wala pa ring aksyon laban kay dela Rosa. Wala rin umanong kapangyarihan ang ibang lider ng Senado na magpatupad ng parusa.

Kapag may naisampang reklamo, kakailanganin pa ang boto ng dalawang-katlo ng mga senador sa plenaryo upang maipatupad ang anumang rekomendasyon.

Samantala, sinabi ni Sen. Antonio Trillanes IV na maaari siyang magsumite ng pormal na reklamo sa ethics committee sa Mayo 2026, anim na buwan matapos umano’y tumigil sa pagpasok at pakikipag-ugnayan si dela Rosa sa kanyang mga kasamahan at maging sa kanyang abogado.

Ayon naman sa abogado ng senador na si Atty. Israelito Torreon, posibleng “unavailable” si dela Rosa dahil sa pangamba sa kanyang kaligtasan. Gayunman, aminado rin ang abogado na haka-haka lamang ito dahil wala siyang direktang komunikasyon sa kanyang kliyente.