DILG Secretary Jonvic Remulla nagsabing lumitaw si dating kongresistang Zaldy Co sa Stockholm batay sa apostille documents na isinumite sa Korte Suprema. Banner by Chynna Basillaje for DAILY TRIBUNE images.
DYARYO TIRADA

Zaldy Co, namataan sa Sweden — Remulla

Jing Villamente

Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes, 29 Enero 2026, na may mga ulat na ang puganteng dating kongresista na si Zaldy Co ay nagtungo sa Sweden upang magproseso ng apostille, isang sertipikasyon na nagpapatunay sa pagiging lehitimo ng isang pampublikong dokumento.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Remulla na lumitaw si Co sa Stockholm noong hindi bababa sa 15 Enero, batay sa apostille na nakalakip sa petition for certiorari na inihain sa Korte Suprema noong 25 Enero.

Ipinakita sa petisyon na personal na nilagdaan ni Co ang dokumento sa harap ng isang notary public sa Nacka, isang munisipalidad sa Stockholm, noong 15 Enero.

Ang writ of certiorari ay isang pormal na hiling sa mas mataas na hukuman upang repasuhin ang desisyon ng mas mababang korte.

Ayon kay Remulla, naging posible ang pagpunta ni Co sa Sweden dahil “borderless” ang mga bansa sa loob ng European Union, kaya mas madali ang paggalaw sa pagitan ng mga estado.

“But nevertheless, ang Pangulo na nagsabi na gagawa na siya ng hakbang para kausapin ang Pangulo ng Portugal para ma-resolba na ito,” ani Remulla.

Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni Remulla noong nakaraang linggo na pinaniniwalaang nasa loob ng isang gated community sa Portugal si Co, partikular sa Lisbon.

“So kung nakarating man siya sa Sweden, hindi ko pa nakikita kasi lahat yun kung verified yung apostille niya, sigurado yan by land, lumakbay siya papuntang Stockholm. This is probably a two-day drive kung pupunta siya roon o a day and a half by train,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Remulla na hindi niya masisisi ang intelligence operatives sa hindi agad pagkakaalam sa development na ito, at tinawag itong isang “Herculean task” dahil sa limitadong bilang ng mga tauhan at sa lawak ng resources ni Co.

Si Co ay may nakabinbing warrant of arrest kasama ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga direktor ng Sunwest Corp., isang kumpanyang pagmamay-ari niya, kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects.

Noong 18 Nobyembre 2025, nagsampa ang Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at non-bailable malversation of public funds laban kay Co at iba pa sa Sandiganbayan. Kaugnay ito ng umano’y P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro, na mariing itinanggi ni Co.

Sa gitna ng mga ulat na nagpaparamdam umano si Co, sinabi ni Remulla na walang anumang negosasyon na mangyayari hangga’t hindi ibinabalik ng dating mambabatas ang P1 bilyon sa pamahalaan.

“No deal. Isuli mo muna ang pera before we talk,” ani Remulla.