Nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang mga tauhan upang tiyakin ang kaayusan at kapayapaan kaugnay ng nakatakdang motorcade sa EDSA sa 31 Enero, bilang bahagi ng panawagang “BBM resign.”
Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuanio, iginagalang ng PNP ang karapatan ng publiko na malayang magpahayag ng kanilang saloobin. Gayunman, pinaalalahanan niya ang mga organizer na makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at ang kaligtasan ng lahat.
Samantala, ayon sa isa sa mga organizer ng aktibidad na si dating Congressman Mike Defensor, itinakda ang mga convergence point ng motorcade sa Mall of Asia Arena at sa EDSA White Plains.