PINALAWIG ng DHSUD hanggang 31 March 2026 ang compliance deadline ng mga developer upang hindi maantala ang socialized housing projects. DAILY TRIBUNE images
DYARYO TIRADA

DHSUD pinalawig ang compliance deadline ng developers

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Pinalawig ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang ibinigay na palugit sa mga private developer upang tumalima sa balanced housing requirements, isang hakbang na ayon sa ahensiya ay naglalayong maiwasan ang pagkaantala sa paggawa ng socialized housing projects.

Sa memorandum na may petsang 28 January 2026, muling kinumpirma ng DHSUD ang pansamantalang suspensyon ng mga administrative sanction laban sa mga developer na hindi pa ganap na nakakasunod sa balanced housing requirements. Kabilang sa mga suspendidong parusa ang cease-and-desist orders at ang suspensyon o kanselasyon ng license to sell. Ang deferment ay pinalawig hanggang 31 March 2026, alinsunod sa mga naunang direktiba. Ito na ang ikalawang beses na pinalawig ang compliance period.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, layunin ng hakbang na mapanatili ang tuloy-tuloy na produksyon ng pabahay habang hindi isinasantabi ang umiiral na mga patakaran at regulasyon.

Batay sa memorandum na nilagdaan ni Supervising Senior Undersecretary Sharon Faith Paquiz, hindi muna ipapasok sa DHSUD clearance system ang Orders of Imposition of Administrative Sanction (OIAS) hanggang matapos ang pinalawig na compliance period. Sa ilalim ng sistema, ang mga developer na may pending compliance ay karaniwang hindi makapag-aapply ng certificate of registration at license to sell (CR-LS) para sa mga bagong proyekto.

Nilinaw din ng kautusan na pinapayagan pa ring mag-apply at makakuha ng CR-LS ang mga developer para sa mga bagong socialized housing projects kahit may pending compliance sila sa mga naunang proyekto.

Ayon sa DHSUD, layon nitong matiyak na hindi maaantala ang konstruksyon at delivery ng socialized housing units habang binibigyan ng sapat na panahon ang mga developer upang ayusin ang kanilang mga obligasyon.

“Mas maraming CR-LS, mas maraming housing units ang maaaring maipatayo. Ang extension na ito ay para masiguro ang tuloy-tuloy na implementasyon ng socialized housing projects habang binibigyan ang mga developer ng sapat na panahon para makasunod sa aming mga patakaran,” ayon kay Paquiz.

Binanggit din sa memorandum ang mga opsyong maaaring gawin ng mga developer upang matugunan ang kanilang compliance, kabilang ang pagbabayad ng kaukulang multa, paghahain ng motion for reconsideration o apela sa loob ng itinakdang panahon, at iba pang remedyo na pinahihintulutan ng umiiral na batas at regulasyon.

Kaugnay nito, sinabi ng DHSUD na patuloy itong naghahanap ng mga paraan upang mapabilis ang implementasyon ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program. Kamakailan ay nagsagawa ng inter-agency meeting ang ahensiya upang pag-aralan ang pagtatatag ng “express lanes” para sa pagproseso ng mga permit at lisensya ng socialized housing projects.