Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) ngayong Lunes, 26 Enero 2026, na nag-isyu ito ng show cause order (SCO) laban sa isang vlogger na umano’y sangkot sa isang road rage incident kung saan hinarangan niya ang ibang motorista upang hindi makaovertake.
Sa isang video na kumalat sa social media, makikitang nagmamaneho ng sports utility vehicle ang vlogger, ayon sa kumukuha ng video, ayaw niyang ino-overtake siya. Ipinakita rin sa video ang paulit-ulit niyang paglapit sa isa pang sasakyan, kung saan may pasaherong nagre-record ng insidente.
Nang makarating sa traffic light, bumaba umano ang vlogger mula sa kanyang SUV at hinarap ang kabilang motorista, malakas na kinatok ang bintana, at sinasabing nagbitiw ng hindi angkop na pananalita laban sa driver at pasahero.
“Dahil dito, agad na nagpa-isyu si LTO Chief Markus V. Lacanilao ng Show Cause Order (SCO) para sa nasabing vlogger,” ayon sa LTO.
Matapos mag-viral ang video, naglabas ng paliwanag ang vlogger sa kanyang social media account at sinabing naganap ang insidente sa Heritage, Baclaran. Ayon sa kanya, bigla umanong nagpalit ng linya ang kabilang driver at muntik na magdulot ng malubhang aksidente.
“Sa Heritage Baclaran magkasunod na kami, bigla siyang lumiko. Nung papasok na ako biglang bumalik ulit papatayin ako,” ayon sa vlogger.
Batay sa show cause order, inatasan ang vlogger at ang rehistradong may-ari ng sasakyan na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa 29 January alas-1 ng hapon at magsumite ng verified comment kung bakit hindi sila dapat sampahan ng administrative charges.
Sinabi ng LTO na posibleng kaharapin ng vlogger ang kasong reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle. Sinuspinde na rin ang kanyang driver’s license at inilagay sa alarm status ang sasakyang sangkot sa insidente.
Ayon kay Lacanilao, walang puwang sa kalsada ang kayabangan at kawalan ng disiplina, at malinaw na nilabag ng vlogger ang batas trapiko at inilagay sa panganib ang publiko.
“Hindi tayo papayag na hayaang maghari ang kawalan ng disiplina at pagiging arogante sa mga kalsada. Ang insidenteng ito ay hindi lamang labag sa mga batas trapiko kundi nagdudulot din ng malaking panganib sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada,” ani Lacanilao.
Dagdag pa niya, “Ang LTO ay determinadong ipatupad ang batas nang patas ngunit mahigpit upang ipakita na walang sinumang lalampas sa mga tuntunin ng ligtas at maayos na pagmamaneho.”