Target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na makumpleto sa unang kwarter ng 2026 ang inspeksiyon at audit sa mga flood control project sa buong bansa.
Ayon kay DPWH spokesperson for legal matters Undersecretary Ricardo Bernabe III, tuloy-tuloy ang validation, masusing inspeksiyon, at dokumento audit sa kabuuang 416 flood control projects.
Sinimulan ang proseso ng pagberipika noong nakaraang taon matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y mga “palpak at guni-guni” lamang na flood control projects, kasunod ng malawakang pagbaha sa bansa dahil sa sunod-sunod na malalakas na bagyo.
Ipinakilala rin ng DPWH ang mga bagong proseso, kabilang ang paglalagay ng tamang coordinates ng mga proyekto. Ayon kay Bernabe, kinakailangan munang maaprubahan ni DPWH Secretary Vince Dizon ang anumang pagbabago sa coordinates.
Iniulat ng opisyal na walang ipatutupad na bagong flood control projects ngayong taon dahil nakatuon ang ahensiya sa pagkumpleto ng lahat ng kasalukuyang proyekto na hindi pa tapos.
Dagdag pa niya, kasalukuyan nang inihahanda ang masterplan para sa mga flood control projects na ipatutupad sa 2027.