SENATOR Risa Hontiveros, nagtataguyod ng mas mahigpit na safeguards laban sa pang-aabuso at trafficking ng bata sa mga tourist spots. Photo from Senate of the Philippines.
DYARYO TIRADA

Sandy’s Bill, layong palakasin ang proteksyon ng bata sa turismo

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Muling nanawagan si Senador Risa Hontiveros para sa mas mahigpit na pagpapatupad at pagbabago sa umiiral na batas na nagpoprotekta sa mga bata, kasabay ng pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee sa kababaihan, bata, ugnayang pampamilya, at gender equality tungkol sa mga hakbang para sa kaligtasan ng mga menor de edad.

Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat laging pangunahing prayoridad ang kapakanan ng mga bata sa mga patakaran sa turismo. Binigyang-babala rin niya na ang mga tourist spots ay puwedeng maging lugar ng pang-aabuso at exploitation kung hindi maayos na maregulate.

“Dapat bigyan ng halaga at puwang ang kapakanan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso at paggamit sa kanila gamit ang turismo,” ani Hontiveros.

Sa pagdinig, tinalakay ang dalawang panukalang batas. Una, ang Senate Bill No. 1588 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act. Pangalawa, ang Senate Bill No. 559 o mas kilala bilang Sandy’s Bill, na opisyal na pinamagatang Child Tourism Safety Act.

Layunin ng Sandy’s Bill na protektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso, grooming, at trafficking sa mga lugar na konektado sa turismo tulad ng hotels, resorts, at transport terminals. Pinangalanan ang panukala kay Sandy Garovillas, anim na taong gulang, na namatay matapos matuklaw ng jellyfish sa isang resort kung saan hindi agad available ang medical assistance.

Sa ilalim ng panukala, obligasyon ng mga tourism establishment na tiyakin ang access sa emergency at medical services, mag-deploy ng trained lifeguards, at panatilihin ang sapat na safety equipment. Nilalayon din ng batas na punan ang mga puwang na nagiging dahilan para magpatuloy ang pang-aabuso sa mga bata sa mga tourist spots.

Binigyang-diin ni Hontiveros na kailangan pang magdaos ng karagdagang pagdinig upang maayos na ma-refine ang mga hakbang at masiguro na maipatutupad ang batas, at hindi lang ito simboliko.

Dumalo sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, civil society organizations, at technology sector upang magbigay ng opinyon kung paano mas mapapalakas ang umiiral na safeguards.

Walang botohan na isinagawa sa sesyon, ngunit sinabi ni Hontiveros na magsisilbing basehan ang mga diskusyon para sa technical deliberations na itutuloy sa susunod na linggo.