Pagkatapos i-deport ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy noong 17 Enero dahil sa panglalapastangan at paglabag sa mabuting asal sa publiko, isa nanamang Russian vlogger ang nahuli ng Bureau of Immigration (BI) sa katulad na dahilan.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang inaresto ay si Nikita Chekhov mula Taganrog, Russia, na dumating sa bansa noong 15 Enero galing Shanghai, China. Nahuli siya noong Huwebes sa Bonifacio High Street, Taguig City matapos mag-upload ng video na nagbanta umano na magpapakalat siya ng human immunodeficiency virus o HIV habang nananatili sa Pilipinas.
Tinukoy ng BI ang video ni Chekhov bilang “rage bait” content na nagdulot ng takot at pangamba sa publiko at online users.
“Ang mga dayuhang pumupunta sa Pilipinas para maghasik ng alarma, bastusin ang ating mamamayan, o abusuhin ang ating pakikipagkapwa ay hindi welcome at tiyak na i-dedeport,” ani Viado.
Kasalukuyang nakakulong si Chekhov sa pasilidad ng BI habang inaayos ang deportation proceedings. Ang kanyang aresto ay kasunod ng pagkulong at deportasyon kay Vitaly Zdorovetskiy. Samantala, mayroon namang Estonian YouTuber, si Siim Roosipuu, ang ginawang persona non grata sa Dumaguete City dahil sa bastos na posts na sangkot ang mga menor de edad.
Nakipag-ugnayan din ang BI sa Department of Health upang matiyak na ligtas ang publiko laban sa banta ni Chekhov na pagkakalat ng HIV.