Ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang arraignment ng dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. at anim pa niyang kapwa akusado kaugnay ng kasong malversation na may kaugnayan sa umano’y ₱92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa Third Division ng Sandiganbayan, kinailangang ipagpaliban ang pagbasa ng sakdal dahil sa dami ng mga nakabinbing mosyon na inihain ng mga akusado, na kumukuwestiyon sa merito ng kasong isinampa laban sa kanila at nangangailangan pa ng resolusyon ng korte.
Itinakda ng korte ang bagong petsa ng arraignment sa Pebrero 9, ganap na alas-otso ng umaga.
Samantala, inatasan ng Sandiganbayan ang mga abogado ng mga akusado na isumite ang lahat ng kanilang mosyon hanggang Enero 26, habang inaasahang magsusumite naman ng komento ang panig ng prosekusyon sa Enero 28.