DUKE of Sussex, nagsampa ng kaso kasama ang iba pang celebrities laban sa Daily Mail. Photo from Ian Vogler.
DYARYO TIRADA

Prince Harry humarap sa korte laban sa Daily Mail

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Muling humarap sa korte sa London si Prince Harry, ang Duke of Sussex, noong Miyerkules, 21 January 2026, para igiit ang kanyang reklamo laban sa publisher ng Daily Mail, ang Associated Newspapers Limited (ANL).

Ayon sa mga balita, puno ng emosyon si Harry habang inilalahad ang kanyang testimonya sa High Court. Sinabi niya na ang patuloy na pagsubaybay sa kanya at sa kanyang asawa na si Meghan Markle ay nagdulot ng "absolute misery" para sa huli.

"Patuloy nila kaming inaatake. Ginawa nilang miserable ang buhay ng aking asawa, My Lord," ani Harry, halatang pinipigilang lumuha. Idinagdag niya na ang proseso ng paglilitis ay isang "horrible experience," at mariing pinuna ang maling pagtrato sa kanila sa kabila ng simpleng hiling para sa "apology" at "accountability."

Kasama si Harry sa pitong prominenteng personalidad na nagsampa ng kaso laban sa ANL. Kabilang dito sina Sir Elton John at David Furnish, campaigner na si Baroness Doreen Lawrence, dating MP na si Sir Simon Hughes, at mga artista na sina Sadie Frost at Liz Hurley. Lahat sila ay nag-aakusa na ang ANL ay kumukuha ng impormasyon sa pamamagitan ng ilegal na paraan, kabilang ang phone hacking at pagkuha ng pribadong records nang walang pahintulot.

Sa korte, itinanggi ni Harry na ginamit niya ang pekeng pangalan na "Mr Mischief" upang makipag-ugnayan sa isang journalist ng Mail on Sunday. Itinanggi rin niya ang alegasyong nakipag-socialize siya sa diary editor na si Charlotte Griffins sa Ibiza noong 2011 o 2012. Ipinaliwanag niya na isang beses lamang siya nakapunta sa Ibiza, kasama ang asawa at anak, at agad niyang pinutol ang ugnayan nang malaman na journalist si Griffins.

SInabi ni Prince Harry na ang kanyang social life ay hindi "leaky," kaya nakakasiguro siyang hindi legal ang pagkuha ng impormasyon ng ANL.

Kasama sa reklamo ni Prince Harry ang intrusyon sa kanyang pribadong buhay, kabilang ang mga balita tungkol sa kanyang dating kasintahan na sina Chelsy Davy at Cressida Bonas. Tinukoy niya na ang ilang artikulo ay "creepy" at nagdulot ng paranoia, na nagpapalala sa kanyang takot sa press mula nang mamatay ang kanyang ina na si Princess Diana.

Dagdag pa niya, mas lumala ang atake ng media nang magbuntis si Meghan sa kanilang unang anak na lalaki, si Archie. Binanggit niya ang "racist," "intrusive," at "persistent attacks" na hinarap ng kanyang asawa, at malinaw na nakaapekto ito sa kanilang pamilya.

Sa witness stand, nanatiling magalang si Harry sa halos dalawang oras ng testimonya, ngunit halata ang emosyon lalo nang mapagusapan si Meghan. Ang kanyang witness statement ay may 23 na pahina. Sa cross-examination, kinontra niya ang lahat ng alegasyon at pinayuhan siya ng hukom na huwag makipagtalo kundi sagutin na lamang ang mga tanong, dahil ito ay trabaho ng kanyang abogado na si David Sherborne.

Ayon kay Harry, ang mga artikulong binanggit sa reklamo ay mula 2001 hanggang 2013. Sinabi niya na naging mahirap ihain ang kaso dahil sa tradisyong "never complain, never explain" ng Royal Family. Pagkatapos nilang humiwalay sa palasyo, inaasahan nilang tahimik ang buhay ngunit tuloy pa rin ang pagbabantay ng media, kaya napilitan siyang kumilos. Sa ngayon, nakatira si Harry kasama si Meghan at ang kanilang mga anak sa California, Estados Unidos.

Itinakda ang pagpapatuloy ng korte sa 10:30 ng umaga, Huwebes, 22 January 2026.

Si Harry ay kasangkot rin sa iba pang legal na laban upang matiyak ang seguridad ng kanyang pamilya sa pagbalik nila sa U.K. Kamakailan, nakapuntos siya ng tagumpay sa isang kaso, na nagbigay-daan para makatanggap ng armadong proteksyon bilang Duke ng Sussex.

Si Prince Harry, at ang kanyang asawa na si Meghan Markle, ay kasalukuyang nakatira sa California.