Mahigit 400 body-worn camera (BWC) ng Philippine National Police (PNP) ang nasira na, ayon sa Director ng Information and Communications Technology Management Directorate, Brig. Gen. Engelbert Soriano.
Sa kabuuang 2,696 unit ng BWC na nabili, kinakailangan pa itong ipamahagi sa mahigit 200,000 aktibong pulis sa buong bansa.
Ayon kay Soriano, ang mga nasabing kagamitan ay nabili pa noong 2019 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa iligal na droga sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Dahil sa tagal ng paggamit, posibleng umabot na sa limitasyon ng buhay ng mga camera.
Dagdag pa niya, patuloy na nire-remedyuhan ang ilan sa mga camera, lalo na ang mga nasisira dahil sa pagkababad sa ulan at iba pang kondisyon sa operasyon.
Target ng PNP na makabili ng mahigit 90,000 body-worn camera bago o hanggang taong 2028 upang masiguro ang sapat na kagamitan para sa mga aktibong pulis sa buong bansa.