Dalawang high-value drug suspects ang naaresto sa isang buy-bust operation sa Barangay Mambog, Binangonan, Rizal noong Miyerkules ng madaling araw, kung saan nasamsam ang mahigit P360,000 na halaga ng shabu.
Ayon sa ulat, nakipag-coordinate ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lokal na pulisya para sa operasyon. Naaresto ang mga suspek na sina alias Tanda, 59, at alias Make, 32, isang construction worker, parehong residente ng barangay.
Hindi nagresist ang mga suspek nang makuha sa kanila ang limang heat-sealed plastic sachets ng umano’y shabu, na may bigat na 53.49 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P363,732.
Kasalukuyang nakapiit ang dalawa sa Binangonan Municipal Police Station habang inihahanda ang mga kaso laban sa kanila sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.