DYARYO TIRADA
Trillanes naghain ng reklamo kontra VP Sara sa Ombudsman
Inireklamo nina dating Senador Antonio Trillanes IV at ng grupong nagpapakilalang The Silent Majority si Vice President Sara Duterte sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y plunder at graft.
Kasama sa reklamo ang mga alegasyon ng iregularidad sa paggamit ng confidential funds noong siya ay kalihim ng Department of Education (DepEd) at alkalde ng Davao City. Ayon sa reklamo, umano’y inabuso ang P650 milyong confidential funds ng Office of the Vice President, P2.7 bilyong confidential funds ng DepEd, gayundin ang P7 bilyong unliquidated cash advances noong siya ay DepEd Secretary.
Binanggit ni Trillanes na nararapat magpaliwanag si Vice President Duterte kaugnay ng mga paratang ng korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan.
Samantala, nanawagan ang The Silent Majority sa Office of the Ombudsman na agarang aksyunan ang kaso at papanagutin ang pangalawang pangulo sa mga alegasyon ng korapsyon at abuso sa kapangyarihan.