Muling nakipagtulungan sina Meghan Markle at Prince Harry sa Sunshine Sachs Morgan & Lylis (SSML) matapos mag-resign ang kanilang ika-11 publicist. Ang kompanyang ito ang dati na rin nilang PR firm, at nag-rerepresenta rin kayna Leonardo DiCaprio at Jimmy Fallon.
Makikipagtulungan ang SSML sa internal team ng mag-asawa, kabilang si Liam Maguire, communications director nila sa UK at Europe.
Matagal na ang relasyon nila sa SSML. Kinatawan nito si Markle noong aktres pa siya sa Suits at nakatrabaho rin ang mag-asawa sa iba’t ibang proyekto mula 2017. Dumalo rin si Keleigh Thomas Morgan, co-president ng SSML, sa royal wedding nina Markle at Harry noong Mayo 2018.
Simula nang lisanin nila ang royal family noong 2020 at lumipat sa North America, ilang publicist na ang bumitiw sa kanila. Noong Disyembre, nag-resign ang ika-11 nilang publicist, si Meredith Maines, matapos ang kontrobersiya sa pagdalo ng mag-asawa sa 70th birthday party ni Kris Jenner sa Beverly Hills. Kasunod nito, pinakiusapan ng mag-asawa sina Jenner at Kim Kardashian na alisin ang mga larawan nila sa Instagram.
Kasabay nito, nag-resign din kamakailan ang chief ng kanilang charity, si James Holt, at iba pang senior staff ng Archewell Philanthropies, kabilang sina Genevieve Roth, Christine Schirmer, at Ashley Hansen.
Sa kabila ng maraming pagbabago sa team, pinipilit ng Sussexes na manatiling maayos ang kanilang PR at pamahalaan ang relasyon sa royal family habang nakatutok sa kanilang charity at public image sa North America.