HIGH-SPEED na tren mula Malaga, tumagilid at bumangga sa papalapit na tren Madrid-Huelva malapit sa Adamuz, Cordoba. Larawan mula sa AFP.
DYARYO TIRADA

21 patay, 70 sugatan sa banggaan ng high-speed trains sa Spain

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

UPDATE: Umakyat na sa 39 ang bilang ng nasawi sa banggaan ng tren, habang 152 ang nasugatan, ayon sa state broadcaster na RTVE, ngayong 19 Enero 2026, mula 3:00 p.m. Philippine time.

Hindi bababa sa 21 ang namatay at mahigit 70 ang nasugatan matapos bumangga ang dalawang high-speed train sa southern Spain noong Linggo, ayon sa mga awtoridad. Posibleng tumaas pa ang bilang ng nasawi.

Ayon sa rail operator na Adif, ang tren ng Iryo mula Malaga papuntang Madrid na may humigit-kumulang 300 pasahero ay tumagilid at pumasok sa kabilang track, at bumangga sa tren ng Renfe mula Madrid papuntang Huelva na may 100 pasahero malapit sa bayan ng Adamuz sa Cordoba province.

Sinabi ni Spain Transport Minister Oscar Puente na “extremely strange” ang insidente dahil nangyari ito sa tuwid na bahagi ng riles na na-renovate noong Mayo ng nakaraang taon. Hindi pa malinaw ang sanhi ng aksidente at maaaring abutin ng isang buwan bago may konklusyon ang imbestigasyon.

Pahirap sa rescue operations ang pagbaluktot ng mga tren. Ayon kay Cordoba Fire Chief Francisco Carmona, kinailangan nilang alisin muna ang mga namatay bago maabot ang mga nakaligtas. May ilang carriages na nahulog hanggang apat na metro pababa sa embankment.

Tumulong ang local authorities, Spain Red Cross, at military emergency units sa paglikas at pag-aasikaso sa mga pamilya. Nag-set up ng mga designated areas sa stations sa Madrid, Seville, Cordoba, Malaga, at Huelva para sa mga kaanak ng biktima.

Tinawag ni Prime Minister Pedro Sánchez ang pangyayari bilang “night of deep pain” at nangakong susuportahan ang mga biktima at pamilya. Nagpahayag din ng pakikiramay sina King Felipe VI at Queen Letizia, pati na rin sina French President Emmanuel Macron at European Commission President Ursula von der Leyen.

Ikinuwento ng ilang pasahero ang nakakatakot na eksena. Sinabi ni RTVE journalist Salvador Jiménez na sakay ng Iryo train: “Parang lindol ang pakiramdam at talagang bumangga ang tren.” Kinailangan ng mga nakaligtas na gumamit ng emergency hammer para makalabas sa mga bintana.

Lahat ng high-speed train services sa pagitan ng Madrid at mga lungsod sa Andalusia—kasama ang Cordoba, Seville, Malaga, at Huelva—ay suspendido hanggang Lunes.

Ang Spain, na may pinakamalaking high-speed rail network sa Europa, ay nakaranas na ng pinakamalalang train accident noong 2013 sa Galicia, kung saan 80 katao ang namatay.