AYON sa Department of Health (DOH), ilalabas sa Pebrero ang bagong guidelines ng MAIFIP na magbabawal sa paggamit ng guarantee letters ng mga opisyal ng gobyerno. Daily Tribune images
DYARYO TIRADA

DOH maglalabas ng patakaran vs guarantee letters

Gwen Bergado

Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na ilalabas sa Pebrero ang bagong guidelines para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

Ayon sa DOH, ang mga patakaran ay alinsunod sa mahigpit na utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbawal ang paggamit ng guarantee letters mula sa mga halal na opisyal para pambayad sa hospital bills ng mga pasyente.

“Ang guidelines ay base sa direktiba ng Pangulo na nagbabawal sa guarantee letters ng mga elected officials,” ayon sa DOH sa inilabas nitong pahayag noong Sabado.

Kasunod ito ng panawagan ni Sen. Risa Hontiveros na maglabas ng mas malinaw na regulasyon upang tuluyang wakasan ang tinawag niyang “patronage politics” at gawing mas simple at malinaw ang programa para sa mga Pilipino.

Sinabi naman ni Health Secretary Ted Herbosa na malinaw sa Section 19 ng General Appropriations Act na walang sinumang halal na opisyal ang maaaring manghimasok sa pondo ng MAIFIP.

“Kapag nailabas na ang pondo, ang papel na lang ng mambabatas ay bantayan kung paano ito ginagastos at kung talagang napupunta sa mga indigent at financially incapacitated patients,” paliwanag ni Herbosa.

Isinasaalang-alang din ng DOH na isama sa saklaw ng MAIFIP ang ambulatory care, surgical clinics, eye centers, ophthalmology at dental services, mga free-standing dialysis clinics, at mga gamot na aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Inirerekomenda rin na magamit ang pondo ng MAIFIP para sa zero balance billing ng mga pasyente.

Binigyang-diin ni Herbosa na ang MAIFIP ay para sa mga pasyenteng walang kakayahang pinansyal, hindi lamang sa mga ospital ng DOH kundi pati sa mga naka-confine sa ward at semi-private hospitals.

Ipinaliwanag din niya ang kahulugan ng guarantee letter.

“Ang guarantee letter ay sulat na nagsasabing may sasagot sa utang sa ospital ng pasyente. Kung may nagbigay ng guarantee letter, siya dapat ang magbayad ng bill,” ani Herbosa.