DYARYO TIRADA
Manuel Bonoan, nangakong babalik sa Pilipinas sa 15 Pebrero
Nangako si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na babalik sa Pilipinas sa 15 Pebrero 2026.
Ayon kay Philippine Ambassador sa Estados Unidos Jose Manuel Romualdez sa panayam ng DZBB nitong Biyernes, 16 Enero, nananatili pa rin si Bonoan sa Amerika.
Humiling umano ang dating kalihim ng isang buwan na extension dahil sa pagpapalit ng schedule ng operasyon ng kanyang asawa.
“Alam namin kung nasaan siya. Hindi siya nagtatago. Nasa California siya ngayon at humiling na makapag-stay ng isa pang buwan dahil may problema sa mata ang kanyang asawa,” ani Romualdez.
“Humihiling siya hanggang pagkatapos ng Pebrero. Babalik siya dito sa Pebrero 15,” dagdag pa niya.
Samantala, nanawagan ang Malacañang kay Bonoan na mas makabubuting bumalik sa bansa upang makapagbigay ng mas malinaw na impormasyon at maituro ang mga sangkot sa flood control scam.